Bigo nang matupad ng isang 1st Class Cadet ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang kaniyang pangarap bilang maging isang ganap na pulis.
Ito’y matapos patawan ng expulsion ng PNPA Cadet Disciplinary Board ang naturang kadete dahil sa kasong maltreatment o pananakit sa kaniyang kapwa kadete.
Ayon kay PNPA Director, P/MGen. Eric Noble, nagreklamo ang plebo o 4th Class cadet laban sa kaniyang senior matapos siyang sikmuraan habang pinangangaralan.
Matapos aniya ng masusing imbestigasyon at pag-aaral sa mga isinumiteng ebidensya gayundin ng salaysay, nagpasya ang Board na patawan ito ng expulsion.
Naghain naman ng Motion for Reconsideration ang inirereklamo subalit ibinasura rin ito kalaunan.
Kasunod nito, nanindigan si Noble na hindi nila kinokonsinte ang anumang uri ng karahasan sa hanay ng kanilang mga kadete at kanila ring pananatilihin ang integridad at disiplina sa lahat ng miyembro nito.| ulat ni Jaymark Dagala