Itatayo ng Lokal na Pamahalaan ng Pasig ng kauna-unahang in-city housing project sa lungsod sa ilalim ng pamumuno ni Pasig City Mayor Vico Sotto.
Ito ay bahagi ng pagdiriwang ika-450 Araw ng Pasig at sa ilalim ng Zero Informal Settler Family (ISF) Program.
Pinangunahan ni Pasig City Mayor Vico Sotto at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan ang ground-breaking ceremony kaninang hapon.
Sa talumpati ni Sotto, binigyang diin nito ang mga pagbabago sa mga programang pabahay ng lokal na pamahalaan.
Ani Sotto, titiyakin niya na magkakaroon ng maayos na relokasyon at hanggang maari ay in-city housing ang mga dapat ilipat na bahay lalo na ang mga nakatira sa danger zone. Gaya ng pagkakaroon ng kuryente, tubig, at kabuhayan.
Kabilang sa mabebenepisyuhan ng housing project ang 336 na mga pamilya na nakatira sa danger zone sa Barangay Santolan sa Pasig City.
Sila rin ang mga pamilya na maaapektuhan oras na simulan na ang revetment project ng Department of Public Works and Highways sa Barangay Santolan.
Ang 8 storey in-city housing project ay may 44 square meters kada unit na may 40 square meters floor space na pinondohan ng lokal na pamahalaan para sa nasabing mga benepisyaryo. | ulat ni Diane Lear