Patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Marikina River ngayong hapon.
Ayon sa Marikina City Rescue 161, kaninang 3 PM, nasa 15.8 meters na lang ang lebel ng tubig sa ilog kung saan ibinaba na rin ang alarm level sa unang alarma.
Kaninang alas-12 ng tanghali, umabot sa 16 meters ang lebel ng tubig sa Marikina River dahilan para itaas ang alarm level sa ikalawang alarma.
Kaugnay nito ay umabot na sa 22 ang inilikas na mga pamilya sa Marikina City dahil sa bagyong Egay at habagat.
Nasa 11 pamilya o 60 indibidwal ang kasalukuyang nasa Nangka Gym, habang 11 pamilya rin o 78 indibidwal ang inilikas sa PLMAR Greenheights Campus.
Nakalatag na ang modular tents sa evacuation centers, at may ilang pamilya ang patuloy na inililikas.
Wala naman naitatalang nasaktan o nasawi dahil sa masamang panahon. | ulat ni Diane Lear