Naipadala na sa Malacañang ang enrolled copy ng Maharlika Investment fund (MIF) bill.
Kinumpirma ng Office of the Senate President na ngayong araw na-transmit sa palasyo ang MIF bill.
Matatandaang kahapon ay napirmahan na ni House Speaker Martin Romualdez ang enrolled copy ng MIF bill, at saka ibinalik sa Mataas na Kapulungan.
Ayon naman sa opisina ni Senate President Juan Miguel Zubiri, isinumite ang MIF bill sa Office of the President sa pamamagitan ng Presidential Legislative Liaison Office (PPLO).
Ngayong nasa Malacañang na ang naturang panukala ay inaasahang pag-aaralan ito ng palasyo, at mayroong 30 araw si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para desisyunan kung pipirmahan ito bilang ganap na batas o kung ito ay ibe-veto.
Una nang sinabi ni SP Zubiri, na inaasahan niyang malalagdaan ni Pangulong Marcos ang MIF bill sa ikalawa o ikatlong linggo ng Hulyo. | ulat ni Nimfa Asuncion