Nag-abiso ang Navotas Public Information Office sa mga residente nito na posibleng makaranas ng mahinang pressure o kaya’y mawalan ng tubig sa kanilang lungsod.
Dahil umano sa bumababang lebel ng tubig sa Angat Dam bunsod na rin ng El Niño, ay magpapatupad ang Maynilad na siyang may sakop sa Navotas, ng rotational water interruption.
Kaya asahan na ng mga Navoteño na hihina o mawawalan ng tubig araw-araw simula July 12, 2023, mula alas-7 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga sa kasunod na araw, sa lahat ng barangay sa naturang lungsod.
Bago ito ay may anunsyo rin ang Maynilad Water Services na simula ngayong araw, July 10, ay mawawalan ng suplay ng tubig ang West Zone areas dahil sa kanilang weekly maintenance activities. | ulat ni Kathleen Jean Forbes