Hindi tumitigil ang Philippine Ports Authority (PPA) sa pag-alalay sa mga na-stranded na pasahero sa mga pantalan kasunod ng epektong dulot ng bagyong Egay.
Ayon sa PPA, kaagapay nila ang Philippine Red Cross at PPA Port Police sa pagbibigay ng agarang serbisyong medikal at seguridad, para panatilhing nasa ligtas na kalagayan ang mga na-stranded na pasahero.
Maliban sa North Port Passenger Terminal sa Maynila, namahagi rin ang PPA ng libreng hot meals tulad ng lugaw, at naghandog din sila ng libreng film showing sa iba’t ibang passenger terminal na apektado ng bagyo.
Partikular na sa mga pantalan ng Dumaguete sa Negros Oriental, Bicol Region, Siquijor, Lucena sa Quezon, Matnog gayundin sa Dapitan, Zamboanga.
Maliban dito, nakalatag din ang Malasakit Help Desk para magbigay alalay din sa mga stranded na pasahero sa mga nabanggit na mga pantalan.
Samantala, namahagi naman ng “Malong” ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga na-stranded na pasahero bilang panangga sa malamig na panahon dulot ng mga pag-ulan. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: PPA