Dahil sa 15 araw na lang ang nalalabi bago ang pagdaraos ng Palarong Pambansa 2023 sa Lungsod ng Marikina, nagsagawa ito ng pagpupulong upang maging handa ito sa ilalatag na seguridad sa naturang taunang sports activity ng Department of Education (DepEd).
Pinangunahan ni Mayor Marcy Teodoro ang pagtalakay sa paghahanda sa seguridad ng mga delegado, manlalaro, at palaruan para sa darating na Palarong Pambansa na gaganapin sa katapusan ng Hulyo.
Kasama rin sa naturang pagpupulong sina Eastern Police District (EPD) Director Police Brigadier General Wilson Asueta, Police Colonel Jessie Tamayao, Marikina City Chief of Police P/Col. Earl Castillo, at mga opisyales ng pamahalaang lungsod.
Tagubilin ni Mayor Marcy, na siguruhing plantsadong maigi ang aspetong kaayusan at kaligtasan, lalo na at inaasahang may mga matataas na opisyal ng bansa ang bibisita para sa taunang timpalak pampalakasan. | ulat ni AJ Ignacio