Ipinauubaya na ng Metro Manila Council (MMC) sa mga lokal na pamahalan sa National Capital Region (NCR) ang pag-regulate sa paggamit ng tubig ng ilang business establishment na kanilang nasasakupan.
Ito ay upang makatulong na matugunan ang krisis sa tubig dahil sa El Niño.
Ayon kay MMC president at San Juan City Mayor Francis Zamora, batay sa napag-usapan ng mga Metro Manila mayor depende na sa LGU kung magpapasa ng mga ordinansa, dahil hindi pare-parehas ang demographics ng mga lungsod.
Paliwanag pa ni Zamora, hindi kasi lahat ng lungsod sa rehiyon ay may mga establisyimento na malakas kumonsumo ng tubig gaya ng golf courses at hotels na may swimming pool.
Kaugnay nito, nanawagan ang alkalde sa mga lokal na pamahalaan na magtipid at mag-recycle ng tubig, magpatupad ng rainwater catchment system para makapag-ipon ng tubig-ulan na maaaring magamit sa paglilinis ng kotse at pagdidilig ng halaman. Matatandaang binigyang direktiba rin ng Water Resources Management Office ng Department of Environment and Natural Resources ang mga barangay official at property managers, na abisuhan ang mga residente nito na bawasan ang aktibidad na malakas kumonsumo sa tubig. | ulat ni Diane Lear