Pinawi ng Department of Agriculture (DA) ang pangamba ng ilang magsasaka na alanganin na ang magtanim ngayong Hulyo dahil sa banta ng nakaambang El Niño.
Ayon kay DA Field Operations Service Director U-Nichols Manalo, ligtas pa ang magtanim ngayon dahil may mga pag-ulan pang inaasahan ang PAGASA.
Katunayan, maraming lugar pa aniya ang makararanas ngayong Hulyo ng above normal rainfall kaya naman dapat na simulan na aniyang ipunin ng mga magsasaka na may small scale irrigation facilities ang tubig mula sa mga sobrang ulan.
Kaugnay nito, batay sa agro-meteorological forecast ng PAGASA, posibleng sa Oktubre ay makaranas na ng below normal rainfall ang maraming lalawigan sa Luzon na lalala pa pagsapit ng Disyembre.
Ayon pa sa DA, maaaring hanggang sa second quarter ng 2024 maramdaman ang impact sa agri sector sa pagpasok ng El Niño.
Kabilang naman sa ginagawa nang paghahanda ng DA sa El Niño ang pagmamapa sa mga lugar na posibleng tamaan nito at mga lugar na hindi maapektuhan ng El Niño at maaaring mapataas ang produksyon.
Kasama rin sa plano ang pagsasagawa ng cloud seeding operations at pag-aalok ng drought resistant seeds. | ulat ni Merry Ann Bastasa