Patuloy ang pagbaba ng unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Batay sa pinakahuling labor force participation survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba pa sa 4.3% ang unemployment rate nitong Mayo mula sa 4.5% noong Abril.
Katumbas ito ng 2.17 milyong Pilipino na walang trabaho noong Mayo.
Ayon kay PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, ito na ang ikatlong naitalang pinakamababang unemployment rate mula noong Abril ng 2005.
Bumaba rin sa 11.7% ang underemployment rate o bilang ng underemployed o mga manggagawang hindi napapasweldo ng sapat at nasa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan.
Umakyat naman sa 95.7% ang employment rate o katumbas naman ng 48.26 milyong Pilipino na may trabaho sa bansa.
Dagdag na 2.18 milyong manggagawa ito kumpara noong Mayo ng 2022.
Kabilang sa mga sektor na may malaking pag-angat sa employment noong Mayo ang agriculture and forestry na may dagdag na 1.25 milyong manggagawa. Pangalawa ang accomodation and food service activities dahil sa pagtaas ng employed sa resto at food mobile gaya ng fast food at food delivery. | ulat ni Merry Ann Bastasa