Dinagsa ng volunteers at mga miyembro ng Church of God International ang National Resource Operations Center (NROC) Pasay City, para tumulong sa pag-repack ng relief goods.
Tugon ito ng mga residente sa kalapit na barangay at religious group sa panawagan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na nangangailangan ng volunteers para sa paghahanda ng relief goods para sa mga sinalanta ng bagyong Egay at Habagat.
Nais ng DSWD na mapanatili ang sapat na dami ng family food packs para ipamahagi sa mga pamilyang apektado ng kalamidad.
Ang NROC ay ang logistics arm ng DSWD sa panahon ng mga disaster at kalamidad. Hanggang sa kasalukuyan, may kabuuang 718,016 pamilya o 2,609,366 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Egay sa 4,398 barangays sa Rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western; at Central Visayas, Eastern Visayas, Davao at SOCCSKSARGEN; Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR). | ulat ni Rey Ferrer