Hinimok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang motorcyle-ride hailing firms at gasoline station operators na suportahan ang mga hakbang ng ahensya para sa mga motorcycle rider na tumitigil sa maling lugar kapag umuulan.
Sa isinagawang pulong ng MMDA kasama ang mga motorcyle-ride hailing firms ngayong araw, sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes sa mga ito na dapat disiplinahin ang kanilang partner rider na lumalabag sa batas trapiko, partikular na ‘yung sumisilong sa mga underpass at flyover tuwing umuulan.
Ani Artes, dapat patawan ng motorcyle-ride hailing firms ng administrative sanction ang mga rider na mahuhuling lalabag sa batas trapiko.
Hindi lang aniya delikado ang pagtigil sa maling lugar para mga rider, ngunit delikado rin ito para sa iba pang motorista.
Kaugnay nito ay inanunsyo ni Artes na titiketan na simula sa August 1 ang mga rider na sumisilong sa underpass at flyover at pagmumultahin ng P500.
Samantala, inihayag din ni Artes na suportado ng mga gasoline station operator ang inisyatiba ng MMDA na maglagay ng tents sa mga gas station para magsilbing temporary shelter ng mga rider tuwing umuulan. | ulat ni Diane Lear