Inaalam ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang minimum water requirement ng mga business establishment para sa panukalang pag-regulate ng paggamit ng tubig.
Ito ay sa gitna ng pinangangambahang krisis sa tubig ngayong panahon ng El Niño.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, inaalam nila ngayon ang minimum water requirement ng mga establisyimento para hindi rin maantala ang kanilang negosyo, at mahirap din aniya na bigla na lang bawasan ang supply ng kanilang tubig.
Ang nasabing panukala na i-regulate ang paggamit ng tubig ng mga establisyimento ay isa sa mga rekomendasyon ng ilang ahensya ng pamahalaan.
Nauna naman dito ay sinabi ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora, na ipinauubaya na sa mga lokal na pamahalaan kung magpapasa ng ordinansa sa pag-regulate ng paggamit ng tubig ng mga establisyimento.
Nakatakda naman magpulong ang Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council sa Biyernes para ma-finalize ang mga inisyal na rekomendasyon. | ulat ni Diane Lear