Tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na nakalatag na ang kanilang contingency plans sa pagpapagamit ng kanilang mga sasakayan para sa mga pasaherong posibleng maapektuhan ng tatlong araw na tigil-pasada na magsisimula sa araw ng SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa July 24.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, handa na sila at ang Inter-Agency Task Force Monitoring Team ng pamahalaan sa ikinasang tatlong araw na tigil-pasada ng grupong Manibela.
Ani Artes, nakatulong din sa MMDA ang best practices na kanilang natutunan mula sa nagdaang transport strike nitong Marso.
Nanawagan naman si MMDA General Manager Undersecretary Procopio Lipana sa mga lokal na pamahalaan na sundin ang central dispatch system sa pagkuha ng mga stranded na pasahero.
Ito ani Lipana ay para hindi maapektuhan ang kita ng mga papasadang transport groups at drivers na hindi sasama sa tigil-pasada. | ulat ni Diane Lear