Nagpasalamat ang Philippine National Police (PNP) sa Ministry of Foreign Affairs ng Singapore gayundin ng Embahada nito sa Pilipinas.
Ito’y makaraang papurihan ng Singapore ang PNP dahil sa matagumpay na operasyon nito laban sa isang POGO hub sa Las Piñas City kamakialan na nagresulta sa pagkakasagip sa may 2 libong online workers na biktima ng human trafficking.
Ayon kay PNP Chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr., magsisilbing inspirasyon ito para sa kanila na gampanan ang kanilang tungkulin at paigtingin pa ang kampaniya kontra human trafficking.
Dagdag pa ng PNP Chief, nagpapasalamat sila sa Pamahalaang Singapore sa suporta at pagkilala nito sa kanilang mga hakbang bilang pakikiisa sa pagsupil sa transnational at cross-border crime.
Ang Pilipinas at Singapore ay kapwa mga founding member ng ASEAN Chiefs of National Police na binubuo ng mga Pambansang Pulisya ng 10 ASEAN member states.| ulat ni Jaymark Dagala