Pansamantalang suspendido ang operasyon ng Tuguegarao Airport sa Lalawigan ng Cagayan dahil sa masamang panahon dulot ng bagyong Dodong.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), nagresulta ito sa pagkakansela ng biyahe ng Cebu Pacific flight 5J 504 at 5J 505 na biyaheng Tuguegarao pabalik ng Maynila.
Sinabi naman ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio, mananatiling suspendido ang operasyon ng nasabing paliparan hanggang sa bumuti na ang lagay ng panahon.
Inactivate na rin ng CAAP ang kanilang Malasakit Desk sa naturang paliparan upang alalayan ang may 169 na mga pasaherong apektado.
Maliban sa Tuguegarao Airport, mahigpit ding binabantayan ng CAAP ang Baguio Airport, Laoag International Airport gayundin ang Rosales at Lingayen Airport sa Pangasinan, na kasalukuyang nakararanas ng masamang panahon. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: CAAP