Nais ni Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual na magkaroon ng oportunidad ang Filipino engineers sa larangan ng semi-conductor at high-tech industries.
Ito ay matapos magsagawa muli ng panibagong roundtable meeting ang kalihim sa bansang The Netherlands upang palakasin pa ang inisyatibang itaguyod at palawakin pa ang pamumuhunan sa semiconductor at high-tech sector sa bansa.
Sa kanyang mensahe, sinabi nito na nananatiling top priority para sa Pilipinas ang mga nasabing sektor.
Itinampok rin ni Pascual ang mabilis na paglago ng ekonomiya ng bansa kung saan umabot sa 6.7 percent ang GDP growth ng Pilipinas, lampas pa sa naging GDP growth ng bansang Vietnam na nasa 5.9 percent at China na nasa 2.9 percent.
Ayon sa kalihim, ang nasabing paglago ay patotoo lamang sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na makahikayat pa ng mga mamumuhunan sa bansa na magbibigay ng dekalidad na trabaho na may nakabubuhay na sweldo para sa mga Pilipino, pagsasagawa ng mga technical transfer, at makapagbuo ng mga domestic industries. | ulat ni Gab Humilde Villegas