Naglabas ng pahayag ang Office of the Vice President (OVP) kaugnay sa umano’y anomalya sa procurement ng satellite office equipment nito na nagkakahalaga ng P668,197.
Kasunod ito ng pahayag ni House Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative France Castro, na kinukwestyon na nagkaroon umano ng shortcut sa procurement rules sa pagbili ng OVP Satellite Office equipment.
Ayon sa pahayag ng OVP, dumaan sa validation at pumasa sa audit ng Commission on Audit o COA ang naturang halaga at ito ay hindi napunta sa korapsyon.
Paliwanag pa ng OVP, sapat na ang findings at rekomendasyon ng COA para maipaliwanag sa ACT Teachers Party-list ang mga haka-haka sa OVP spending.
Giit pa ng OVP, na napanatili nito ang ‘unqualified opinion’ o ang pinakamataas na audit rating na maaaring ibigay ng COA sa financial statements nito.
Hindi rin umano nag-issue ang COA ng anumang notice of suspension o disallowance laban sa OVP.
Matatandaang pinuna ng COA ang pag-fast track ng OVP sa pagbili ng mga equipment sa sattelite office nito at sinasabing hindi umano ito sumunod sa procurement rules. | ulat ni Diane Lear