Sinabi ngayon ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Arnel De Mesa, na nakahanda na ang P1 bilyong quick response fund (QRF) ng kagawaran, upang magamit sa paghagupit ng bagyong Egay sa Northern Luzon.
Sa isinagawang committee hearing ng North Luzon Growth Quadrangle, nanghingi si Isabela 1st District Representative Antonio “Tonypet” Albano ng updates sa pananalasa ng bagyong Egay.
Ayon kay De Mesa, ang P1 bilyong ay ini-release ng Department of Budget and Management (DBM) bilang QRF sa epekto ng bagyo at sa El Niño.
Sa kasalukuyan ay isinasagawa nila ang consolidation ng mga report mula sa iba’t ibang bahagi ng northern Luzon.
Sinabi naman ni Albano, na lubos na apektado ngayon ng pagbaha ang kanyang distrito sa Isabela at mga probinsya sa Region 1.
Umaasa siya na makakalap agad ang assessment report ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kaugnay sa pananalasa ng bagyong Egay. | ulat ni Melany Valdoz Reyes