Hiniling ng mga kawani ng National Housing Authority (NHA) na isama sa prayoridad ang panukalang batas na magpapalawig sa NHA Charter sa nalalapit na pagbubukas ng ikalawang regular session ng ika-19 na Kongreso.
Ito ay matapos na magsagawa ng mobilization activity ang Consolidated Union of Employees (CUE) ng NHA, upang hilingin ang pagsasabatas ng NHA Charter.
Anila, nararapat na gawing priority bill ang pagpapalawig ng charter upang patuloy na makapaghatid ng serbisyo publiko ang ahensya sa mga nangangailangang pamilya.
Samantala, patuloy naman sa pakikipag-ugnayan si NHA General Manager Joeben Tai sa mga kongresista at senador para sa kanilang suporta sa panukalang batas.
Ang kasalukuyang NHA Charter ay may bisa lamang ng 50 taon at nakatakdang matapos sa 2025.
Sa ngayon, ang panukalang batas na magpapalawig sa pagkakatatag ng ahensya ay dinidinig sa House Committee on Housing and Urban Development.| ulat ni Rey Ferrer