Nagkakasa na ng mga kaukulang hakbang ang Department of Foreign Affairs (DFA).
Ito’y para sagipin ang may 16 na Pilipinong biktima ng human trafficking sa bansang Myanmar.
Ayon kay DFA Undersecretary for Migration Affairs Eduardo de Vega, dumulog sa kanila kamakailan ang pamilya ng mga nabanggit na Pilipino.
Kabilang aniya ang mga ito sa mga ni-recruit at pinangakuan ng malaking sweldo para magtrabaho sa Thailand.
Subalit, hindi ito natupad at sa halip ay dinala ang mga ito sa Myanmar at pinagtrabaho bilang online scammers.
Nilinaw naman ni de Vega na nananatili ang suspensyon sa pagpapadala ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Myanmar.
Una rito, nakataas ang Alert Level 4 ng Pilipinas sa Myanmar dahil sa nararanasang gulo roon.| ulat ni Jaymark Dagala