Pansamantalang binawi ng Maritime Industry Authority o MARINA ang Passenger Ship Safety Certificate ng barko ng Montenegro Shipping Lines na sumadsad sa Romblon kahapon ng umaga.
Sa kautusan ng MARINA, ang pagbawi sa Passenger Ship Safety Certificate ng MV Helena ng Montenegro Shipping Lines ay paraan para bigyang daan ang isasagawang imbestigasyon sa naturang insidente.
Agad magpapadala ng mga inspector at surveyor ang MARINA sa tumagilid na barko na nasa baybayin ng Banton Island Romblon.
Mananatili ang suspensyon ng Passenger Ship Safety Certificate hangga’t walang abiso mula sa MARINA.
Inatasan naman ng MARINA ang Philippine Coast Guard na ihain o isilbi ang suspension order ng MV Helena sa may-ari ng naturang barko. | ulat ni Michael Rogas