Suportado ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang komprehensibong performance review ng Department of Energy sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP.
Ayon kay Villafuerte, ang magiging resulta ng naturang performance review ang magiging gabay ng Kongreso kung babawiin o babaguhin ang prangkisa ng NGCP.
Matatandaan na sa SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inanunsyo nito na isinasailalim sa performance review ang NGCP dahil sa kabiguang ipatupad ang nasa 68 transmission projects.
36 dito ay sa Luzon, 21 ang sa Visayas at may 11 sa Mindanao na nagkakahalaga ng kabuuang 231 bilyong piso.
Para sa kongresista, kung mapatunayan na hindi kayang gampanan ng NGCP ang mandato nito ay maaaring bawiin ang 50-year franchise nito at ibigay na lang ng Kongreso sa ibang kompanya.
“The Congress needs to decide soon enough on whether to alter or amend NGCP’s franchise agreement to compel it to upgrade its system and spend a sizable chunk of its earnings on interconnecting our major islands, or to revoke its franchise altogether and award it to a much better concessionaire, so the government can deliver cheaper and more stable and accessible electricity to consumers—and meet President Marcos’ goal of achieving 100% household electrification by 2028.” diin ni Villafuerte.
Punto pa ni Villafuerte kung hindi maisasakatuparan ng NGCP ang pagkonekta sa linya ng mga kuryente lalo na ang Mindanao-Visayas at Cebu-Negros-Panay grids, ay makakabalam ito sa hangarin ng Marcos Jr. administration para sa mura at stable na suplay ng kuryente sa bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes