Mas paiigtingin pa ng Pilipinas at Greece ang pagtutulungan at pagsusulong ng kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs).
Ito ay matapos na mag-courtesy call kay Migrant Workers Secretary Susan Ople ang Ambassador ng Greece sa Pilipinas na si Ioannis Pediotis, kaninang umaga.
Kabilang sa mga natalakay ang dumadaming bilang ng OFWs sa Greece partikular na ang mataas na deployment ng Filipino seafarers sa mga Greek-flagged vessels.
Batay sa datos ng Migrant Workers Office (MWO) sa Greece noong 2022, nasa 17,550 ang mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa naturang bansa kung saan ang karamihan ay mga household service worker, chef, driver, cleaner, at teacher.
Mayroon din mga highly-skilled worker na nasa industriya naman ng information and communications technology.
Kapansin-pansin din ang mataas na deployment ng mga Pinoy seafarer sa mga Greek-flagged vessels na umabot sa 8,300 noong 2022.
Dumalo rin sa naturang pagpupulong ang ilang opisyal ng DMW at Department of Foreign Affairs. | ulat ni Diane Lear