Bagaman 100 porsiyento nang handa ang Philippine National Police (PNP) para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tuloy-tuloy pa rin ang ginagawa nilang last minute review sa ilalatag na seguridad.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame ngayong araw, sinabi ni PNP Spokesperson, Police Colonel Jean Fajardo, na tinututukan din nila ang pagsasagawa ng communication at simulation exercises gayundin ang pag-iinspeksyon sa areas of convergence.
Kasabay nito, nanawagan ang PNP sa publiko na tumalima sa ipatutupad na gun ban sa mismong araw ng SONA ng Pangulo sa Hulyo 24.
Una nang naglabas ng kautusan ang pamunuan ng PNP sa mga tauhan nito, na ipatutupad ang gun ban mula alas-12:01 ng hatinggabi hanggang alas-11:59 ng gabi ng nabanggit na petsa.
Ani Fajardo, mas maikli ang ipatutupad na gun ban ngayong taon kumpara sa nakaraang SONA ng Pangulo batay na rin sa isinagawang risk at security assessment ng iba’t ibang law enforcement agencies. | ulat ni Jaymark Dagala