Hindi pwedeng basta pakawalan ng Philippine National Police (PNP) ang limang Chinese na inaresto sa ni-raid na POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) sa Las Piñas dahil walang passport ang mga ito.
Ito ang paliwanag ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo kung bakit hindi nila agad maipatupad ang kautusan ng Department of Justice na pakawalan ang naturang mga dayuhang suspek dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Ayon kay Fajardo, pinagsumite din ng Department of Justice (DOJ) ang PNP ng karagdagang ebidensya sa kasong human trafficking at paglabag sa cybercrime law na inihain laban sa mga suspek, na nagawa na nila.
Pero dahil aniya sa walang passport ang mga suspek, sila ay itinuturing na “undocumented aliens” na dapat i-turn over sa Bureau of Immigration and Deportation (BID).
Nakipag-coordinate na aniya ang PNP sa BID para ilipat sa kanilang kustodiya ang naturang mga suspek, dahil sila ang may hurisdiksyon dito.
Dagdag ni Fajardo, pananagutan ng PNP kung may mangyari sa mga suspek kaya dapat ay maayos ang turn-over sa mga suspek sa BID at hindi basta pakawalan. | ulat ni Leo Sarne