Muling pinaalalahanan ng Department of Health o DOH ang publiko na mag-ingat sa mga tinatawag na ‘WILD diseases’ o yung mga tinatawag na Waterborne disease, Influenza, Leptospirosis at Dengue na madalas tumataas ang kaso tuwing tag-ulan.
Ayon sa DOH, dapat sundin ang ilang mga tagubulin upang maiwasan ang sakit tulad ng tamang pagtatapon ng basura, pagiging malinis sa kapaligiran lalo na sa mga lugar na madalas pamahayan ng lamok at daga
Sa sandaling dumating na ang pagbaha bunsod ng walang tigil na pag-ulan, ugaliing magsuot ng bota, iiwas ang mga bata na magtampisaw sa tubig baha upang hindi makainom ng kontaminadong tubig.
Kung hindi naman siguradong malinis ang pinanggalingan ng tubig na inumin, ugaliing pakuluan muna ito ng hanggang 3 minuto bago inumin.
Mabuti ring gawin ang 5S strategy tulad ng Search and destroy mosquito breeding sites; Self Protection sa pamamagitan ng paggamit ng repellents; Seek early consultation sa pinakamalapit na healthcare facility; Support fogging, spraying at misting sa mga tukoy nang dengue hotspot areas at Sustain hydration.
Ugaliin ding maghanda ng Go-Bag sa mga lugar na madalas bahain at kakailanganin ang paglikas gayundin ay magpabakuna kontra trangkaso hangga’t maaari. | ulat ni Jaymark Dagala