Lumagda ang Lokal na Pamahalaan ng Quezon City at Department of Trade and Industry (DTI) sa kasunduaan para palakasin ang ease of doing business sa lungsod.
Layon nitong pagsamahin ang Business Name Registration System ng DTI sa Online Business Permit Application System ng QC LGU para mas mapadali ang proseso ng mga business transactions, ma-detect ang mga maling requirement, at ma-monitor nang maigi ang compliance ng mga negosyo sa lungsod.
Lumagda sa kasunduan sina QC Mayor Joy Belmonte at Trade Industry Secretary Alfredo Pascual.
Ayon kay Belmonte, mas mapapadali na ang pagproseso ng certificate of business name registration ng mga sole proprietor dahil magiging digital na ang proseso ng mga dokumento, sa tulong ng Business Name Registration System ng DTI.
Batay naman sa datos ng DTI, mula sa 35 percent tumaas sa 75 percent ang mga nag-apply at nagpoproseso ng business applications na kanilang natanggap mula nang ilunsad ang digital system noong 2019.
Kumpiyansa naman ang QC LGU na sa naturang kasunduan mas mapasisigla lalo ang pagnenegosyo at lalago ang ekonomiya ng lungsod. | ulat ni Diane Lear
Photo: QC-LGU