Muling nagpaalala ngayon ang Quezon City local government sa mga residente na magtipid sa tubig lalo ngayong opisyal nang idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng El Niño phenomenon.
Ayon sa pamahalaang lungsod, pinapataas nito ang posibilidad na magkaroon ng mas mababa sa normal na bilang ng pag-ulan, na maaaring magresulta sa tagtuyot sa ilang lugar sa bansa kabilang ang Metro Manila.
Sa inilabas nitong Tipid Tubig Tips, hinihikayat ng LGU ang lahat na magtipid at maging responsable sa paggamit ng tubig.
Kabilang sa mga diskarte aniyang maaaring gawin ay ang pagsasara ng mabuti sa mga gripo o shower kapag hindi na ginagamit, gumamit ng tabo at timba tuwing maliligo, at gayundin ng baso tuwing magsisipilyo
Ipaayos din agad kung may makitang leak sa mga gripo sa bahay.
Hinimok din nito ang mga residente na i-recycle ang pinagbanlawan ng damit para magamit na panlinis o pangbuhos sa toilet bowl at imbes na hose gumamit ng timba at tabo tuwing maglilinis ng sasakyan.
Ngayong Hulyo naman kung saan inaasahang ang mga pag-ulan ay dapat na ipunin aniya ang tubig-ulan para magamit panlinis o pandilig ng halaman.
Una nang ipinunto ng PAGASA ang paghahanda dahil posibleng hanggang sa 2024 maramdaman ang epekto ng El Niño sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa