Nais ng ilang senador na mabusisi sa ataas na kapulungan ng Kongreso ang nangyaring pagtaob ng isang motorbanca sa bahagi ng Laguna Lake sa bandang Binangonan, Rizal na ikinasawi ng nasa 27 na katao.
Ayon kay Senadora Grace Poe, kapag naghain ng resolusyon ang ibang mga senador tungkol sa insidenteng ito ay hindi mag-aatubili ang pinangungunahan niyang Senate Committee on Public Services na magkasa ng imbestigasyon tungkol dito.
Sinabi ni Poe na dapat ring magkasa ng mahigpit na imbestigasyon ang mga otoridad tungkol sa insidente at partikular na dapat masagot kung bakit pinayagang maglayag ang motorbanca kahit malakas pa ang hangin at ulan noong araw na iyon.
Dapat rin aniyang ipaliwanag ng may-ari ng bangka at ng Philippine Coast Guard (PCG) kung bakit overloaded ang bangka at walang life vest ang mga pasahero nito.
Una nang nagpahayag si Senador Raffy Tulfo na naghahanda na siya ng isang resolusyon para mapanagot ang mga tauhan at opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) na nagpabaya kay nangyari ang trahedya.
Sinabi na rin ni Senador Jinggoy Estrada na dapat magkaroon ng full transparency, patas na pagsisiyasat sa nangyari at panagutin ang mga responsable sa dito. | ulat ni Nimfa Asuncion