Sisimulan nang ipatupad ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang inaprubahang taas-singil pasahe ng Department of Transportation (DOTr) sa LRT Line 2 simula sa August 2.
Batay sa inaprubahang fare adjustment, ang minimum boarding fee ay tataas ng P13.29 mula sa dating P11, at P1.21 na dagdag sa bawat kilometrong biyahe mula sa dating P1.
Sa mga gumagamit ng Stored Value o Beep Card, magiging P14 na ang minimum na pamasahe mula sa kasalukuyang P12.
Magiging P33 naman ang maximum fare simula Recto Station hanggang Antipolo Station mula sa dating P28.
Kung Single Journey Ticket ang gamit, mananatili sa P15 ang mimimum fare. Habang magiging P35 naman ang maximum fare simula Recto Station hanggang Antipolo Station mula sa kasalukuyang P30.
Ayon sa DOTr, ang karagdagang pamasahe ay gagamitin para sa pagsasaayos at pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo ng LRT-2.
Huli naman nagpatupad ng fare adjustment ang LRT-2 noong 2015.| ulat ni Diane Lear