Muling tiniyak ni US Secretary of Defense Lloyd J. Austin III kay Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang “ironclad commitment” ng Estados Unidos na ipagtanggol ang Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.
Ito’y sa pag-uusap ng dalawang opisyal sa telepono kahapon, kung saan nagpahayag ng pagkabahala si Sec. Austin sa “coercive and risky operational behavior” ng China sa mga barko ng Pilipinas na legal at mapayapang naglalayag sa West Philippine Sea.
Siniguro ni Sec. Austin kay Sec. Teodoro na saklaw ng Mutual Defense Treaty ang anumang pag-atake sa mga public vessel, aircraft, armed forces, at Coast Guard ng Pilipinas sa Pacific at saan man sa South China Sea.
Nagkasundo naman ang dalawang opisyal na paigtingin ang pagtutulungan upang maitaguyod ang isang “rules based order” sa West Philippine Sea na naayon sa 2016 Arbitral Tribunal Ruling.
Tinalakay din ni Sec. Austin ang mga oportunidad para sa mas malawak na kooperasyon ng Pilipinas at Estados Unidos sa mga “like-minded partner” tulad ng Japan at Australia, para masiguro ang bisyon ng isang malaya at bukas na Indo-Pacific Region. | ulat ni Leo Sarne