Kabuuang ₱1.79-billion ang panukalang pondo ng Presidential Communications Office (PCO) at attached agencies nito para sa susunod na taon.
Mismong si Communications Secretary Cheloy Velicario-Garafil ang humarap sa House Committee on Appropriations para ilatag ang paggagamitan ng pondo ng ahensya.
Ang mga government-owned and controlled corporation (GOCC) sa ilalim ng ahensya na People’s Television Network at IBC 13, humirit ng dagdag pondo.
Sa 2024, ang PTV ay binigyan ng ₱28.9-million na subsidiya na gagamitin para sa kanilang modernisasyon.
Pero humiling si PTV General Manager Ana Puod na madagdagan ang kanilang pondo para ma-regular ang nasa 100 hanggang 120 na empleyado.
Noong 2001 pa kasi aniya ang huling beses na nag-regular ang PTV.
Ang IBC-13, hindi na naman binigyan ng pondo ng Department of Budget and Management (DBM).
Kung matatandaan noong nakaraang taon ay wala ring pondo ang IBC sa 2023 National Expenditure Program (NEP) dahil sa ongoing privatization status.
Bunsod nito umapela si IBC President Jose Policarpio Jr. na mabigyan sila ng pondo lalo na pambayad sa may ₱500-million na retirement fee para sa may 137 na retirado ng IBC mula 2002 hanggang 2022.
Aniya 25 sa mga ito ay namatay na at may 10 na naka-ospital at naghihintay ng bayad.
Kaya’t sa kabuuan aabot sa ₱1.921-billion ang proposed 2024 budget ng PCO, kasama ang attached agencies at GOCC nito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes