Pormal nang naihain sa Negros Oriental Regional Trial Court ang 3 bilang ng kasong “murder” laban kay Negros Oriental 3rd District Rep. Arnulfo “Arnie” Teves Jr.
Ito ang kinumpirma ni Prosecutor General Benedicto Malcontento makaraang ihayag ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na nagtungo kahapon ang DOJ panel of prosecutors sa Negros Oriental para ihain ang kaso sa korte.
Sa pulong balitaan naman ng DOJ ngayong hapon, sinabi ni Remulla na maghahain sila ng mosyon sa korte para mailipat sa Metro Manila ang lugar ng paglilitis.
Maliban kay Teves, dawit din sa kaso sina Hannah Mae Sumerano, Richard Cuadra alyas Boy, Jasper Tanasan alyas Bobong, Alex Mayagma, Rolando Pinili o Inday at Gemuel Hobro.
Nag-ugat ang kaso laban kay Teves sa nangyaring pamamaslang noong 2019 sa dating Board Member ng 3rd District ng Negros Oriental na si Michael Dungog, Lester Bato na bodyguard ng isang kandidato sa pagka-alkalde sa lalawigan at Pacito Libron, ang hitman na konektado kay Teves.| ulat ni Jaymark Dagala