Ipinagdiwang sa Kampo Crame ngayong araw ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR) ang kanilang ika-32 anibersaryo.
Dito, inihayag ni BFP-NCR Director, Fire Chief Superintendent Nahum Tarroza ang kanilang planong magpatupad ng 5-minute fire response sa tuwing makapagtatala sila ng insidente ng sunog sa Metro Manila.
Gayunman, sinabi ni Tarroza, na makakamit lamang nila ito kung makakukuha sila ng sapat na mga kagamitan gaya ng firetrucks gayundin ang pagdaragdag ng sub-stations, upang mabilis silang makaresponde sa tuwing may sunog o emergency.
Aminado si Tarroza na kulang ang kanilang kagamitan, kaya’t hindi siya tumitigil sa pakiusap sa mga lokal na pamahalaan sa NCR, para suportahan sila sa pag gagawad ng mga pasilidad upang maging epektibo ang kanilang operasyon.
Kung kumpleto aniya sa mga kagamitan at sasakyan ang BFP, walang dudang mababawasan ang mga insidente ng sunog gayundin ang mga danyos o pagkawala ng buhay at ari-arian.
Matagal na aniya nilang napag-aralan ang mga potensyal na lugar na pagtatayuan ng mga sub-station upang makamit ang kanilang epektibo at episyenteng serbisyo. | ulat ni Jaymark Dagala