Pansamantalang isinara sa daloy ng trapiko ang bahagi ng Binondo sa Maynila, ngayong hapon.
Ito ay kasunod ng pagbuwal ng mga poste ng kuryente sa bahagi ng Plaza Lorenzo Ruiz.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), naitawag sa kanila ang insidente dakong ala-1 ng hapon, kung saan ilang saksi ang nakakita sa pagbuwal ng poste dahilan upang agad nila itong itinawag sa mga awtoridad.
Aabot sa walong sasakyan at isang bisikleta ang sinasabing nabagsakan ng mga poste, subalit inaalam pa kung may mga nasugatan sa insidente batay na rin sa ginagawang assessment ng City Engineering Office ng Manila Local Government.
Nagtungo na ang mga tauhan ng Manila Electric Company (MERALCO) gayundin si Manila Vice Mayor Yul Servo para tingnan aksyunan ang naturang problema.
Sa panig naman ng MERALCO, sinabi ng tagapagsalita nitong si Joe Zaldarriaga na pagsusumikapan nilang maisaayos ang mga nabuwal na poste ng kuryente upang agad na mabuksan sa daloy ng trapiko ang mga nabanggit na kalsada. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: Manila MTPB