Inilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng San Juan ang ‘Makabagong San Juan Barangay Caravan’ sa Barangay Onse.
Layon nitong ilapit sa mga komunidad ang mga serbisyo ng city hall gaya ng serbisyong pangkalusugan, legal, trabaho, at iba pa.
Bahagi na rin ng caravan ang Public Assistance Center ng lungsod, para sa mga nangaingailangan ng medical, burial, at financial assistance.
Maging ang mga serbisyo mula sa PNP-San Juan gaya ng Women’s Desk at pagproseso ng police clearance; gayundin sa mga nangangailangan ng family planning at marriage counselling ng Commission on Population and Development.
Bukod dito, inihahandog din ng caravan ang libreng anti-rabies para sa mga alagang aso at pusa ng mga residente. Maaari ring magparehistro at kumuha ng IDs ang mga PWD, solo parents, at senior citizens.
Tampok din sa caravan ang Kadiwa ng Department of Agriculture, kung saan makakabili ng kalidad at murang mga produkto. Ang Makabagong San Juan Barangay Caravan ay iikot sa iba’t ibang barangay tuwing Biyernes, para magbigay ng libreng serbisyo sa mga residente ng lungsod. | ulat ni Diane Lear