Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na nabawasan ang bilang ng Private Armed Groups (PAG) na posibleng maging banta sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brig. General Red Maranan, 42 nalang ang kanilang binabantayang PAG, mula sa dating iniulat na 49.
Ito’y matapos na malansag ng PNP ang pitong malalaking PAG, sa pagpapatupad ng kautusan ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na tugisin ang mga armadong grupo na posibleng manggulo sa BSKE.
Tiniyak pa ni Maranan na puspusan ang pagbabantay ng PNP sa mga tinaguriang election hot-spots kung saan inaasahan ang mainit na tunggalian sa pulitika.
Sa ngayon aniya ay 27 lugar ang itinuturing na “areas of grave concern” na posible pang madagdagan depende sa magiging sitwasyon habang papalapit ang BSKE. | ulat ni Leo Sarne