Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Bureau of Customs sa pagtalima sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpatuloy ang ginagawa nitong raid sa mga warehouse ng bigas sa bansa.
Muli na naman kasing nagsagawa ng raid ang customs ngayong umaga sa Bocaue at Balagtas, Bulacan kung saan sinamahan ang mga ito nina House Speaker Martin Romualdez at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo.
Dito ay nadatnan ng pwersa ng gobyerno ang ‘sang katerbang sako ng local at imported na bigas na pawang inaalikabok na, bagay na nagpapakitang matagal ng nakatambak ang mga ito.
Kinandado ang mga warehouse hanggang sa makapagbigay ang mga ito ng karampatang dokumento na magpapatunay na ligal ang kanilang operasyon.
Una nang sinabi ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na doble kayod ang kanilang kawanihan para matukoy ang illegal importers ng agricultural products sa pamamagitan ng validation sa mga nasabing warehouses. | ulat ni Lorenz Tanjoco
: Contributed