Ipinatawag sa isang pulong ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at San Miguel Corporation (SMC) para sa agarang pagresolba sa nararanasang pagbaha sa Quirino Highway.
Ayon sa alkalde, nais nitong mahanapan ng
solusyon ang pagbaha sa Quirino Highway upang maibsan ang perwisyong naidudulot nito sa mga motorista at mga residenteng naninirahan sa bahagi ng Amparo.
Dagdag pa nito, bagamat nasa ilalim ng pamamahala ng DPWH ang naturang kalsada at ang ginagawang MRT-7 naman ay pinamamahalaan ng SMC, kailangan pa ring kumilos ng pamahalaang lungsod para sa kapakanan ng mga residente.
“Asahan niyo po na puspusan ang ating pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa kanila at tututukan natin ang problemang ito hanggang sa masolusyunan ang pagbaha sa Quirino Highway,” ani Mayor Along.
Kaugnay nito, inatasan naman ng akalde ang City Engineering Department na magsagawa ng dredging activities para mabawasan ang pagbaha sa lungsod. | ulat ni Merry Ann Bastasa