Libreng bag at school supplies ang bumungad sa mga estudyanteng nagbalik eskwela sa Caloocan City.
Pinangunahan mismo ni Caloocan Mayor Along Malapitan ang pamamahagi ng school bags at school supplies para sa mga estudyante nang bisitahin nito ang Bagong Silangan Elementary School at Kalayaan Elementary School.
May laman ang bawat bag na notebook, lapis, ruler, at pambura na magagamit sa eskwela ng mga estudyante.
Ayon sa alkalde, bahagi ito ng layunin ng pamahalaang lungsod na mabawasan ang gastusin ng mga magulang at maibigay ang pangangailangan ng mga estudyante sa Caloocan.
Kasunod nito, nanawagan ang alkalde sa mga magulang na suportahan at gabayan sa pag-aaral ang mga anak at tiyaking papasok sila araw-araw.
Magpapatuloy ngayong araw ang distribusyon ng school bags sa Morning Breeze Elementary School, Bagong Barrio Elementary School, at Sta. Quiteria Elementary School.
Samantala, bukod sa libreng bag at school supplies, tuloy-tuloy pa rin ang alok na libreng gupit ng pamahalaang lungsod para sa mga estudyante.
Ngayong araw, aarangkada ang libreng gupit sa Camarin D. Elementary School, Caloocan North Elementary School, Caybiga Elementary School, at sa Libis Talisat Elementary School.
Tatagal ang libreng gupit mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. | ulat ni Merry Ann Bastasa