Caloocan Mayor Malapitan, nagpasalamat sa hatid na tulong ng “Lab for All” program sa higit 5,000 residente sa lungsod

Facebook
Twitter
LinkedIn

Lubos ang pasasalamat ni Caloocan Mayor Along Malapitan kay First Lady Liza Araneta-Marcos sa inisyatibo nitong Lab For All Program na naghatid ng libreng serbisyong medikal sa libu libong residente sa lungsod.

Nitong Martes, magkasamang pinangunahan nina First Lady Liza Araneta-Marcos at Mayor Malapitan ang rollout ng programa sa Caloocan City Sports Complex kung saan aabot sa higit 5,000 residente ang nakatanggap ng kumpletong medical at laboratory services.

Kabilang dito ang complete blood count (CBC), fasting blood sugar (FBS), electrocardiogram (ECG), at X-ray.

Ayon sa alkalde, malaking bagay ang hatid na tulong ng Lab for All para maipadama ang malasakit ng pamahalaan sa mga mahihirap.

“Ngayon, nakikita at nadarama ng mga taga-Caloocan ang aksyon at malasakit ni Pangulong BBM at ng ating First Lady kasama ng buong pamahalaang nasyonal,” pahayag ng alkalde.

Pagtitiyak naman ng alkalde na patuloy na ipaprayoridad ang health at safety programs para sa kapakanan ng mga residente sa lungsod.

Samantala, bukod sa serbisyong medikal, nasa halos 2,000 residente rin ang nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng AICS, grocery packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), at libreng skills training mula naman sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us