Nagsimula na ngayong araw ang briefing na ipinatawag ng Commission on Elections (COMELEC) sa security cluster kasama ang iba’t ibang stakeholders sa Kampo Crame.
Dito, tinalakay ang iba’t ibang usapin na may kinalaman sa ginagawang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections sa darating na Oktubre.
Una muna ay nagsagawa ng briefing ang COMELEC hinggil sa konsepto ng BSKE, mga tagubilin sa paghahain ng Certificate of Candidacy, at mga ipinagbabawal na gawain sa panahon ng halalan.
Kabilang sa mga dumalo ay ang mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG).
Dumalo rin sa nasabing briefing ang mga kinatawan mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), National Movement for Free Elections (NAMFREL), Public Attorney’s Office (PAO), National Youth Commission (NYC) at iba pa.
Ngayong hapon naman, pangungunahan ng COMELEC en banc ang Command Conference ng Security Cluster kung saan, dito ay tutukuyin ang areas of concern o election hotspot, at kung ano-ano rin ang mga lugar na isasailalim sa COMELEC control. | ulat ni Jaymark Dagala