Tiniyak ni Bureau of Pant Industry (BPI) Director Glenn Panganiban sa mga mambabatas, na umaksyon agad ang Department of Agriculture (DA) para magpaabot ng tulong sa mga magsasaka na apektado ng nagdaang bagyong Egay at Falcon.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, natanong ni Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas ang BPI, kung ano ang ginagawang paraan ng ahensya para maiwasan ang pagtaas sa presyo ng mga agricultural product dahil sa epekto ng bagyo.
Lalo na aniya at nasa P5 billion na ang halaga ng pinsala sa agrikultura dahil sa bagyo.
Tugon naman ni Panganiban, inihanda na ng DA at ng regional offices nito ang mga intervention gaya ng seeds o binhi, fertilizer at maging cold storage facilities.
“…sa DA po nakahanda naman po yung ating mga regional field offices. We’ve already distributed seeds and planting materials and nakaready naman po yung ibang interventions like fertilizers and other and other interventions para sa mga nasalanta.” – Panganiban
Aminado ang opisyal na may naitalang paggalaw sa presyo ng ilang pananim gaya ng petchay dahil sa bagyo ngunit para sa sibuyas ay nananatili aniyang stable ang presyo nito. | ulat ni Kathleen Fobres