Ipiprisinta ng Department of Budget and Management (DBM) sa susunod na linggo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga panukalang amyenda nila sa Government Procurement Reform Act.
Ibinahagi ito ni DBM Secretary Amenah Pangandaman, nang matanong ng mga senador kung paanong tutugunan ang underspending sa gobyerno.
Sa bugdet briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa panukalang 2024 National Budget, sinabi ni Pangandaman na para sa unang bahagi ng 2023 ay umabot sa P170.5 billion ang underspent na pondo.
Ang amyenda sa kasalukuyang Government Procurement act aniya ang isa sa mga hakbang para matugunan ang mga isyu sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Pinunto rin ng kalihim, na nabanggit rin ni Pangulong Marcos ang panukalang ito sa kanyang naging state of the nation address (SONA).
Sa ngayon, ay wala pa aniya sa DBM ang panukalang batas pero mayroon na silang mga partikular na amyenda sa kasalukuyang Procurement law.
Ang mga opisyal naman na aniya ng Government Procurement Policy Board (GPBB) ang magpapaliwanag sa mga senador ng amyenda sa batas, na ipiprisinta ng DBM kay Pangulong Marcos Jr. sa susunod na linggo. | ulat ni Nimfa Asuncion