Inako na ng Department of Education ang pamamahala sa 14 na pampublikong paaralan na apektado ng territorial dispute sa pagitan ng Taguig at Makati.
Sa pahayag na inilabas ng DepEd, sinabi nito na epektibo mula ngayong araw, ang Office of the Secretary ang direktang magsu-supervise sa management at administration sa lahat ng 14 na paaralan habang binubuo pa ang transition plan.
Dagdag pa ng ahensya, ang Transition Committee ay bubuuin ng Regional Director, Schools Division Superintendent mula Taguig at Makati, at legal officers mula sa dalawang lungsod.
Sa panahon ng transition period, kinakailangan munang dumaan sa tanggapan ng kalihim ang lahat ng aktibidad na isasagawa mula sa 14 na paaralan kung saan sila ay minamandato na mag-ulat hinggil sa daily operations nito.
Sinabi rin ng DepEd na titiyakin ng Philippine National Police na maipapatupad ng maayos ang nasabing kautusan. | ulat ni Gab Villegas