Pinangunahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagdiriwang ng International Humanitarian Law Day na may temang “IHL: Gabay sa Makataong Pagsulong ng Kapayapaan,” sa Makati City.
Ipinaabot ni DFA Undersecretary Jesus “Gary” Domingo ang mensahe ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, kung saan itinampok ang mga nagawa ng Pilipinas sa pagtataguyod ng mga prinsipyo ng International Humanitarian Law (IHL).
Kabilang sa mga tagumpay na ito ang pagpapatibay ng apat na Geneva Conventions (mga international agreement na bumubuo sa core ng IHL), pagsasagawa ng pagsasanay para sa mga ahensya ng gobyerno, at pagtataguyod para sa higit na paggalang sa IHL sa United Nations at international community; sa gitna ng mga bagong hamon na nagbabago ng pakikidigma, tulad ng AI at autonomous weapons.
Inihatid naman ni Undersecretary Severo Catura, Presidential Human Rights Committee Secretariat, ang mensahe ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng IHL sa pagsasakatuparan ng pang matagalang kapayapaan at sustainable development; pagkatapos ng ilang dekada ng armadong tunggalian, kung saan muli nitong pinagtibay ang commitment ng Pilipinas sa mga prinsipyo ng IHL, kabilang na ang pagbibigay ng amnesty package sa mga dating combatant upang tulungan silang magkaroon ng bagong buhay at isulong ang national healing.
Ang International Humanitarian Law (IHL) ay body ng international law na namamahala sa pagsasagawa ng digmaan.
Nilalayon nitong limitahan ang mga epekto ng armadong labanan sa mga taong hindi bahagi nito, at protektahan ang dignidad ng tao.
Ang ika-12 ng Agosto ay idineklara bilang International Humanitarian Law Day alinsunod sa Executive Order 134. | ulat ni Gab Villegas