Tiniyak nina DILG Sec. Benhur Abalos at PNP Chief Benjamin Acorda na hindi nila palalampasin ang pulis na sangkot sa tiwaling gawain.
Sa pagsalang ng P262 bilyon na panukalang pondo ng ahensya, natanong ni Deputy Minority Leader France Castro kung ano ang ginagawa nilang tugon sa magkakasunod na insidente nang namamatay na mga menor de edad sa kamay ng pulisya.
Partikular dito si Jemboy Baltazar sa Navotas at si John Frances Ompad sa Montalban.
Bukod pa ito sa road rage ng isang retiradong pulis sa Quezon City.
Ayon kay Sec. Abalos, nirerebyu na nila ng NAPOLCOM at PNP ang konsepto ng command responsibility.
Sa insidente aniya sa Navotas lahat ng sangkot na pulis ay sinuspindi habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at ang pulis na bumaril ay ipinakulong pa.
Ayon naman kay Gen. Acorda, kung ikukumpara noong nakaraang taon na nasa higit 2,000 ang mga pulis na nasangkot sa kalokohan, ngayong taon ay bumaba na ito sa higit sa 1,000.
Pagtiyak pa nito pursigido sila sa paglilinis ng kanilang hanay upang makuha muli ang tiwala ng publiko. | via Kathleen Jean Forbes