Dumalaw at nagpaabot ng pakikiramay si Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Jr. sa pamilya ng 17 taong gulang na binatilyo na si Jemboy Baltazar na biktima ng ‘mistaken identity’ sa Navotas City.
Ayon kay Abalos, nakakulong na ang mga pulis na sangkot sa krimen at dalawang kaso ang isinampa laban sa mga ito. Isang kriminal at isang administratibo.
Dagdag pa ng kalihim, magkakaroon sila ng pulong kasama si Philippine National Police Chief Benjamin Acorda Jr. upang ma-review ang operational procedure patungkol sa mga ‘hot pursuit’ at para hindi na maulit ang insidente.
Ani Abalos, mahalaga na naging mabilis ang aksyon ng pamahalaan sa insidente at nakulong agad ang sangkot na mga pulis sa krimen.
Tiniyak naman ni Abalos makakamit ang hustisya para sa pamilya Baltazar.
Matatandaang napatay si Jemboy ng mga pulis-Navotas matapos mapagkamalan umanong suspek ng mga pulis at pinagbabaril. | ulat ni Diane Lear