Nakikipagtulungan na ang Department of the Interior and the Local Government (DILG) sa Commission on Elections (COMELEC) para maihanda ang mga bagong barangay na sakop ng lungsod ng Taguig sa papalapit na barangay elections sa October 30, 2023.
Ayon kay DILG Sec. Abalos, sumulat na ito noon pang Mayo sa Korte Suprema para humiling ng patnubay sa implementasyon ng desisyon sa mga maaapektuhang barangay sa dalawang siyudad.
Habang hinihintay ang magiging direktiba ng Korte, pina-activate na ng Kalihim ang transition teams para mangasiwa sa territorial change.
Ayon kay Sec. Abalos, nagkasundo sila ng COMELEC na agad nang umaksyon lalo’t papalapit na ang barangay elections.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang DILG sa attached agencies nito gaya sa PNP, BJMP at BFP para sa pagrebisa sa areas of responsibility ng mga matatamaan ng bagong boundaries. | ulat ni Merry Ann Bastasa